Minsan May Isang Budoy

by Minette Autor
(Bacoor, Cavite)

Malulungkot ako kapag nawala sya.

Malulungkot

Malulungkot

Malulungkot

Malulungkot.

Bata pa lang kami hikain na sya. Pero kahit na hinihika na sya, nakikipaglaro pa din sya ng habulan sakin. Hindi sya titigil hanggang hindi sya nakakasabay sa takbo ko. Kasi daw alam nyang iiyak ako kapag di ko sya makita sa tabi ko. Kapag napuputol yung tali ng tsinelas ko, sya pa rin ang nag-aayos. Kahit na yung dila nya parang sasayad na sa lupang may jeb, okay lang yun; wala syang pakialam. Ang mahalaga daw, hindi madumihan yung paa ko. Para akong prinsesa kapag kasama sya. Para akong may ari ng isang malawak na lupain. Lahat ng natatanaw ng mga mata ko, pinipilit nyang akin. Bata pa lang kami ganun na sya ka romantic mag isip. Pakiramdam nya kasi sya yung prinsipe ko. Prinsipeng sipunin.

Sa kanya ako nagco-confide ng mga nakakatawa saka nakakatakot na nangyayari sakin sa araw araw. Sa kanya ko rin kinukuwento yung mga kapilyahan ko. Kung pano ako nangungupit ng barya sa tindahan. Kung pano ako tumatakas sa school para makipaglaro ng sungka saka bingo sa kalapit naming bahay, saka kung pano ako nagpapanggap na pipi kapag nasa jeep. Alam nya lahat yun. Wala akong tinatagong sikreto sa kanya. Ganun din naman sya sakin. Tipong alam ko pati lasa ng sipon nya.

Close na close talaga kami. Dikit. Kapag masaya kami, dinig sa kabilang kalye yung tawanan namin. Kapag malungkot naman kami, pati abs-cbn, nakikidalamhati sa lakas ng iyak namin. Walang okasyon na wala sya sa tabi ko. Nung debut ko, kahit may hawak syang inhaler sya pa rin ang escort ko. Ang cute nya nga. Kasi habang sumasayaw nag-pu-puff sya. Pero kahit mabigat yung dibdib nya pinilit nyang sumayaw. Isayaw ako. Hawakan ako sa isa sa mga mahahalagang parte ng pag-iinarte ko. Hindi nya alam kung gaano ko na-appreciate yung mga ganung bagay. Yung white rose nga na bigay nya, inipit ko pa sa libro ko. Gusto ko kasi may remembrance ako sa kanya nung araw na yun. Wala lang. Trip ko lang. Bakit ba? mas gusto kong ipreserve yun kaysa sa regalo nyang stuff toy.

Madami din naman kaming adventures na magkasama. Ay mali pala. Lahat pala ng adventures ko, kasama ko sya. Naaalala ko nga nung pumunta kami ng baguio, muntik na akong mahulog sa kabayo. Nung makita nyang malalaglag ako, nabitawan nya yung hawak nyang coke. Tumakbo sya agad palapit sakin. Nung minsang maisipan naman naming magpakasosyal at uminom sa isang bar saka mag disco-disco, naramdaman ko yung nginig ng katawan nya habang kausap yung lalaking de-bigoteng halos isang oras nang dikit ng dikit sakin. Nagpaka-hero na naman si 'hikain'.

Naalala ko din yung minsang masasagasaan ako ng bulok na kotse, nataranta sya. Tinulak nya ko. Nagbounce bounce ako sa may gilid ng daan. Nakaganti na sya sakin. Nahalikan ko na rin ang lupa. Naawa ako sa kanya. Dinuro- duro sya nung nagmamaneho ng bulok, super bulok na sasakyan. "Hoy budoy, wag kang tatanga tanga". Pero hindi nya pinansin yun. Nilapitan nya ko agad. Natawa pa nga ako, kasi bigla nya kong hinawakan. Sabi nya sakin "hi jackie, ako budoy".

Yung last naming adventure. Yun yung the best. Gusto ko, yun lagi ang maaalala ko. Sana yun din yung maaalala nya. Naglalakad kami sa buhangin. Tapos nagtutulak-tulakan. Tumatawa. Tapos bigla na lang tumigil yung ikot ng mundo. Pakiramdam ko kami lang dalawa yung tao. Kung meron man,lahat sila invisible. Hinawakan nya yung kamay ko. Sabi nya mahal nya ko. Higit pa sa kaibigan. Niyakap ko sya syempre. Matagal ko ding hinintay yun. Naluha pa nga ako. Tapos sya tumulo pa yung sipon.

"Anong nangyari pagkatapos?"

Wala, naisip naming sumakay ng bangka sa sobrang tuwa. Baliw nga eh. Sya daw mismo ang sasagwan. Para kaming lumulutang sa hangin. Pakiramdam namin tumama kami ng sampung milyon sa lotto. Nakaguhit yung masayang ngiti sa mukha namin. May puso-puso pa sa nuo.

Kaya lang tumaob yung bangka sa sobrang lakas ng alon. Nakita ko sya habang nilalaro ng alon. Sumisigaw sya. Ramdam ko sa boses nya na inaatake sya ng hika. Nakipag-patayan ako sa alon. Hanggang sa ma-save ko sya. Sabi ko sa kanya, kumapit muna sya sa may katig. Masayang masaya ako na naligtas ko sya. Mahal na mahal ko sya. Malulungkot ako kapag nawala sya.

"Mahal mo pala? Ba't ka nandito?"

Kasi yung bunsong kapatid nya, sumunod samin. Nakita ko ang pagtaob ng bangka nila. Tinatangay na sya ng alon palayo. Kaya nagpakabayani ako.

Okay lang yun. Mahal na mahal ko kasi sya. Buong buhay ko, lagi sya ang hero. Panahon yun, para masuklian ko lahat ng mga nagawa nya sakin. Alam ko malulungkot sya kapag nawala ang bunso nila. Alam ko kung gaano nya kamahal ang mga kapatid nya. Saksi ako ng lahat ng sakripisyo nya. Lahat ng paghihirap. Lahat ng pagpupursige. Kaya alam ko, malulungkot sya. Kaya eto, ako na si darna. Niyakap ko sya sa oras na pakiramdam ko masasaktan sya. Ako naman ngayon. Lagi na lang sya.

.......

Sabay sara ng libro.

"O tara na darna, pasok ka na sa langit. Naghihintay sayo ang mga power puff girls"

Click here to post comments

Join in and write your own page! It's easy to do. How? Simply click here to return to A Filipino Encounter.