Si Jane Austen, Manunulat


Sinasabi ng ilang kritiko na si Jane Austen, manunulat noong ika-17 siglo, ay walang pakialam sa mas malalawak na isyu ng lipunan noon. Wala daw ni isang banggit tungkol sa mga digmaan ni Napoleon sa mga nobela ng napakagaling na nobelistang ito. Paano raw nangyari na ang isang manunulat ay walang ibang babanggitin kundi tungkol sa mga pag-aasawa at pagpapakasal? Bakit daw wala ni isang salita tungkol sa noo’y mabilis na paghahati ng antas ng lipunan sa wala at mayroon, sa mga negosyante at industriyalista sa Britanya. O kahit man lang daw pahiwatig ukol sa ilang pagbabago sa pulitika, o sa kapangyarihan at pagiging mapusok ng iglesya, o sa mga tuklas ng agham at medisina? Ang mga tanong na ito’y kalimitang mariing hamon at batikos na para bagang ang mga nobela ay dapat na maging kompilasyon ng mga araw-araw na balita. Si Jane Austen daw ay mababaw, probinsyana, at walang karapatang magpa-intelektuwal, at walang pakialam sa mga ingay ng kasaysayan ng kanyang panahon. 

 Iba-ibang Pagtitig

Karaniwang maririnig din ang batikos na ganito ukol sa mga manunulat na Cristiano. Nasaan ba raw ang mga isyu sa mga sinusulat? Bakit daw puro na lang Diyos? Tumapak naman daw sa lupa nang talagang maramdaman ng mga mambabasa yung sa totoo lang. Subalit ang isyu dito ay ang paraan ng pagtingin sa mga pangyayari. Kailangan bang palaging ulit-ulitin lamang katulad ng ginagawa sa radyo at telebisyon ang mga araw-araw na “kaganapan?” O mambatikos nang walang alternatibo sa kasalukuyang gobyerno o namamahala? Kanya-kanyang mata, kanya-kanyang titig. At higit sa lahat, kanya-kanyang karanasan. 

Ang totoo, malalim ang pagtitig ng mga nobela ni Jane Austen sa kaparangan ng mundong kanyang ginalawan. Hindi pinalampas ng mapagsuri niyang mata ang mga nangyayari sa politika at lipunan nang kanyang panahon. Ang mga titig niya’y parang sinag ng araw, tumitiim, minsa’y nakakasakit at nakakasilaw. Bawat isa sa anim na nobela ni Jane Austen ay nagdidiin ng pinag-sama samang karanasan ng mga babae noon, mga nilalang na hindi inaasahang magbigay ng opinyon ukol sa mga kaligaligan sa gobyerno, politika at kasaysayan. Ang mga babae ring ito, lalung-lalo na kung walang asawa, ay palaging nagiging biktima ng kahirapan, dahil limitadong-limitado ang kanilang mga pagpipilian. Samakatuwid, malimit na wala silang maaasahan kundi ang pag-aasawa. Kahit ito lamang ay mariing komentaryo na ng kanyang panahon. 

Sa pamamagitan ng pahiwatig, paghihinuha, at pagbasa sa mga karanasang di gaanong hayag o nararamdaman lamang, ang panulat ni Jane Austen ay intelihenteng saksi ng mundo na noo’y mabilis na nagbabago. Bawat pag-uusap ng mga tauhan sa kanyang mga nobela, bawat di pinlanong pagkikita sa mga maalikabok na daan, bawat gabi ng paglalaro ng baraha ay may implikasyong panlipunan. Mararamdaman sa mga ito kahit ng pinaka-kaswal na mambabasa ang mga panahong 1775-1817. Ang mga titig ni Jane Austen sa kanyang panahon ay maaari ding walang hayag na damdamin, ngunit kahit kailan ito’y hindi nyutral. Maaari ngang napakapribado ng mga sitwasyon sa mga nobelang ito, ngunit ipinakikita ng mga ito na si Jane Austen ay mamamayan ng kanyang panahon.

Kung paano tayo tumititig sa ating panahon, iyon din ang ating makikita. Subalit anuman ang gawin nating pagtingin, ito’y magiging totoo lamang kung tayo’y nabubuhay din bilang mga pribadong mamamayan, regular at walang palyang gumaganap sa ating araw-araw na ritwal, nakikisalamuha sa ating pamilya at kamag-anak, hindi nagpapanggap na alam ang lahat, at   hindi rin nagmamaang-maangan sa mga pangyayaring nagaganap.