KUNG BAKIT MAGSASALIN

 KATULAD NG MULTONG TAGASULAT, KAILANGAN NG TAGASALING-WIKA NA MAGSUOT NG IBANG BALAT.

Sa mga mahihilig magbasa [sa wika kung saan nasalin ang akda], hindi mahalaga kung ano ang orihinal o ang wikang pinagmulan (source language), dahil hindi pangunahing layunin ng pagbabasa ang paghahambing ng orihinal at ng salin. Ano’t anuman, simpleng paghahanap ng mapaglilibangan ang unang motibasyon sa pagbabasa.

Kaya nga kung seryosong pabliser ka ng mga akdang pampanitikan, at binabalak mong magsalin, mahalagang piliin kung alin ang mga akdang makasasagot sa pangangailangang ito, at kung paano isasalin ang naturang pipiliing akda, kung nais mong sumabay sa hinihingi ng merkado – ibig sabihin, may pagtutok sa mga bibili ng aklat o iyong tinatawag na ‘target user’.

Kung magsasalin ka, isipin mong maliban kung gagamitin mo ang iyong salin para sa layunin ng pananaliksik sa konteksto ng akademya, ang pagsasalin mo ay malimit na nakadepende sa kagustuhan ng sinumang nais maglathala ng iyong saling-akda.

Humigit-kumulang, sa Pilipinas, komersyal ang dahilan sa pagsasaling-wika, at maliit na porsyento lamang ang pagsasalin ng mga akdang pampanitikan. Dahil ang komersyal na motibasyon ay isang premis, o panukala [na hindi naman ito lamang ang dahilan ng pagsasalin o paglalathala ng akda sa ibang wika], ang panayam na ito ay pagtalakay sa isang paraan lamang  ng pagsasalin na inaakalang pinaka-naaangkop na tugon sa ganitong pangangailangan.

DINAMIKONG TEYORYA NG PAGSASALIN

Marami ang mga teyorya, kaya’t kailangang piliin kung ano ang magiging gabay sa pagsasalin, depende sa target user o mambabasa. Gayunman, sa gawain ng pagsasalin, naniniwala ako na higit na mahalaga ang mambabasa (reader) kaysa sa akda (text) – pagdating sa pagpili ng mga ekspresyon o interpretasyon.

1.      Ibig sabihin, ang pagsasalin ay dapat na may matamang pagsasaalang-alang sa bernakular na pag-iral sa lokal na konteksto at kultura ng target na mambabasa.[1]

2.      Medyo kontrobersyal ang ganitong lapit pagdating sa pagsasalin ng panitikan, dahil marahil sa mga teknik ng pagkamalikhain na malimit na nasasakripisyo sa ganitong lapit. Ngunit maaari din namang maging malikhain ang tagapagsalin sa loob ng disiplinang ito ng pagsasalin, dahil pangunahing dapat isipin ang pagiging tapat sa ‘kahulugan’.[2] Sa huli, ang salin ay parang iba ngunit sa totoo lang ay iyon pa rin naman.

“Titigan natin ang pagsasalin. Kailangang makuha mo ang boses ng may akda na sumulat sa isang wika, at isalin ang boses na ito sa isa pa, ngunit hindi mo dapat ipamalay ang bakas, na may nangyaring pagsasalin. Ang nakakatakot – dahil minsan ay nababaon ka sa pinanggalingang wika, nag-aatubili kang lumayo at sa sobrang lapit sa wikang pinanggalingan, ang resultang salin ay hindi natural at minsan ay talagang hindi maintindihan. Gayunman, pangunahin na bumaon ang tagasalin sa akdang isinasalin.


[1] Target based instead of source based. [2] Meaning based

“Tulad ng multong tagapagsulat o ghostwriter, kailangan ng tagasalin na magsuot ng pangalawang balat. Minsan ang pagbibihis ay maaliwalas, walang gaanong problema, hindi masakit o makati o maaligasgas. Minsan naman ay kabaligtaran. Lahat ng kasikipan ay mararanasan, at pagpapawisan sa pagbabalot ng sarili sa kasuotang pinipilit pagkasyahin.” –Malayang salin mula sa akdang “Translation, in Sickness and in Health“ ni Vergnaud 2018

1.      Palaging makakatulong ang pagbaon sa akda. Higit pa sa mga teknikal na taktika sa pagsasalin, mahalagang suyurin ang mga sangguniang mapagkukunan ng mga kaugnay na impormasyon tungkol sa isinasalin.

2.      Ano ang mga pinag-ugatang konteksto: ng may akda, ng sakop ng mga panahon, ng lugar at pagkakataon. Kaya nga habang nagsasalin, ay kailangang hanapin ang mga kultural na panulukan ng akda[1], mga katulad o kakaibang pagtalakay sa pelikula, musika, at iba pang babasahin.

3.      Sa kalagitnaan ng pagsasalin ay kailangan rin ang malakas na pagbabasa ng mga teksto, upang kilatisin ang isasabuhay na tunog. Ang kanyang kuwento sa pamamagitan ng aking pandama, pang-amoy, pandinig, paningin, pansalat (palulutangin ang boses na – nagpapatawa, nagagalit, naghihinagpis, nagtatampo, nagmamakaawa atbp.). Palaging kailangan ang pinakamalapit na pagtutumbas[2] hindi lamang ng hitsura ng mga wika kundi gayon din ng boses ng pagpapahayag – na dapat mamayani ang sa may akda at hindi ang sa tagapagsalin.

“Panatilihin ang pagiging puro, at pagkasopistikado ng wika, pag-iisip at damdamin. Magsalin nang pinananatiling iyong-iyon pa rin ang ibig sabihin, hindi mawawala ang tono, sa ibang wika, upang panatilihin ang talino, sa lahat ng intensidad nito, iwasan at itakwil ang mga paraan ng pag-iisip ng nagsasalin.

“Kailangang mabura ang tagapagsalin. Hindi dapat mag-iwan ng anumang bakas ang tagapagsalin. Ito ang patuloy na ipinaaalala ko sa aking sarili habang nagsasalin. Kailangang tahimik na umiral ang tagapagsalin sa bawat salitang pipiliin ngunit hindi nila sinulat o nilikha. Kailangan nilang papusyawin at hindi lamang salaminin ang sinasalin. Kailangan nilang maging iba.  Elena Marcu[3], “The Joy and Terror of Translation James Baldwin’s Giovanni’s Room” 2018

Sa ganitong pagsasalin, unang hirit lamang ang literal na pagtutumbas, pagkatapos ang pakikinig sa salin, at sa huli, pagtataya kung naisalin ang kahulugan kasama ang boses, ang hayon[4], ang pag-aatubili[5] ng wika at paglalaylay[6] nito. Sapagkat, hindi lahat ng naririnig ay nasa wika, maaaring naroroon din sa pagkawala o pagkabura ng wika na maaaninag din sa teksto.

Ibig sabihin rin nito ay kailangang malawak ang pagkaunawa ng tagapagsalin sa tinatawag na syntax o kapaligiran, kapitbahayan ng mga salita o ekspresyon. Dapat ay sensitibo sa iba’t ibang tunog at hayon ng pananalita ng kapwa sinasaling wika at ng saling wika. Dapat ring maging bukas sa mga bagong kumpas at pagsasayaw ng salita, ang mga uso, ang mga gasgas na nakasanayan, ang mga idyoma.


[1] Cultural anchors [2] Nearest exact equivalent versus literal equivalent [3] Elena Marcu, nagsalin mula sa Romania ng Giovanni’s Room ni James Baldwin’s  [4] Language cadence [5] Language witheld [6] Language discarded

LITERAL NA PAGSASALIN

Sino sa atin ang hindi tumitingin sa diksyunaryo kapag nagsasalin? Ngunit sa pasimula lamang ito. Kasama sa paghahanap ng pinakamalapit na katumbas ang paghagip sa epekto, bilis o bagal, rehistro, lalim o babaw, at marami pang iba. Walang eksaktong katumbas: ang epekto ng katumbas, iyan ang mahalaga. Ang epekto ay subhektibo, ngunit gayon din naman ang pagsusulat. Hindi kayang tunugan sa English ang mga ekspresyon tulad ng ‘Wala lang’, ‘ganon?’ atbp.  Sa Tagalog, ang ‘bahala ka,’ ay napakahirap isalin kung iisipin ang pinakamalapit na intensyon ng idyomang ito sa isang partikular na konteksto.

Hindi palaging maaari ang pagsasalin na parang nagkakalas ng DNA ng wika.  Sa dinamikong pagsasalin, ang layunin ay ang ‘maramdaman’ ng mambabasa ang akda. Sa pagtutok sa damdamin ng akda ay maaaring mawala ang ilang hibla ng DNA ng wika. Kung paano ito iniiwasan ng tagapagsalin ay depende na sa kakayahan at husay sa paggamit ng wika. Kaya nga higit na dapat tutukan ang salitang ‘sikapin’ o ‘subukan’ kaysa ‘hanapin’ ang isang katumbas. Subukan ang may parehong epekto, kaysa hanapin nang hanapin ang katumbas ng salita o pahayag– ito ang hamon ng dinamikong pagsasalin.  Sa pagsisikap, susubukang tawirin ang patlang –ng imahinasyon at ng wika, ng manunulat at ng teksto, ng teksto at ng tagapagsalin, at ng teksto at mambabasa.

Sa damdamin ng mambabasa, doon titimo ang epekto ng akda. Kailangang makapa ang epektong ito na naroroon sa orihinal. Di tulad ng nagsasalin, hindi obligado ang mambabasa na ipaabot sa iba kung ano ang kanyang binasa; ang kailangan lamang nilang isipin ay kung ano ang sinasabi sa kanila ng akda.  Katulad rin ng pagbabasa ng mambabasa, ang pagsasalin ay ang pagkaranas ng tagapagsalin sa ginamit na wika at ginalawang mundo ng orihinal. Katulong ng tagapagsalin ang sarili niyang konteksto, karanasan, pinagmulan, sa pagpaaabot ng binasang orihinal. Ang mga ito ang pangunahing sanggunian ng tagapagsalin, higit pa sa diksyunaryo. Kaya’t kailangang may pagpapatawad sa pagkawala ng ilang aspekto ng wika. Kasama ito sa pagdanas, ang pagsipat sa karanasan na maaaring labis o kulang. Hindi ito dapat katakutan ng nagsasalin, dahil sa pinakamahusay na pagsisikap, makakapa ang pagnanasa, ang pagsuyo, ang balakin ng orihinal. Sa pinakamahusay na pagsisikap, nagkakaroon ng espasyo sa bagong interpretasyon, habang patuloy ang paglutas sa palaisipan. 

“Ngunit higit pa rito ay kailangan ang malalim na pagsusuri o pagsisiyasat sa kasu-kasuan ng akda na nagpapanatili dito bilang mahusay na akdang pampanitikan. Bilang manunulat, walang tatalo sa ganitong pagbabasa – pagbabasa tulad ng pagbabasa ng tagapagsalin. Ang gawain ng pagsasalin ay tumatagos hanggang sa sikmura: higit pa sa malalim na epekto sa damdamin, matindi ang epekto nito sa praktikal na pag-iral bilang manunulat. Hindi lamang nakikipagsayaw sa ibang wika ang tagapagsalin, kundi nakikipagtalik rin doon at gutom na gutom sa lahat ng puwedeng ibigay ng wika. Ang ganitong kaugnayan sa tekstong sinasalin ay nagbibigay-buhay, nagpapasaya, at nag-aalo sa isang pag-iral na walang kasama. Sa pagsasalin ay hindi na nag-iisa ang manunulat dahil kailangan niyang unawain at yakapin ang isa pang katulad niya. Dahil ang pagsusulat ay tuloy-tuloy na pakikipag-usap sa sarili, nang mag-isa.  Kabalintunaan na ang kapwa manunulat ay hindi rin nakakatakas sa sarili, ngunit nagiging lubos na malaya sa sinulat. Ang kalayaang ito ang gustong buhayin ng tagapagsalin.” Mula sa panayam kay Jhumpa Lahiri ni Cressida Leyshon, 2018  

TATLONG KASALANAN SA PAGSASALIN

·         Maliit na kasalanan -- Mga pagkakamali dahil sa kakulangan sa kaalaman, o kaalaman na ayon sa mali o kaduda-dudang sanggunian.

·         Malaking kasalanan -- Mga pag-iwas sa mga salita at pangungusap na nahirapang isalin at hindi na pinaghirapang alamin o pag-aralan – iniwasan na lamang o nilaktawan. Tinatanggap na lamang ang pagkamaang ng diksyunaryo, na nang kanyang konsultahin, ay patlang ang binigay na katumbas.

·         Walang kapatawarang kasalanan – pagsasalin na puspusan at walang pagtitikang sumamba sa hinihingi ng umiiral na panlasa ng publiko. Pinagaganda, pinapapangit, depende sa layunin ng ibig magparating ng mensaheng labas na sa kabuluhang orihinal na inilatag ng wikang pinagmumulan.  Kung krimen ang plagiarismo, ito rin, dahil pambabastos, ay dapat na parusahan.

“Upang hindi magkasala ng alinman sa tatlong ito, kailangan ng tagapagsalin ang mga sumusunod:

1.      “Una, ang kakayahan niya bilang tagapagsalin ay dapat na humigit-kumulang na katumbas ng kakayahan ng awtor o manunulat na kanyang sinasalin.

2.      “Pangalawa, kilalang-kilala niya ang dalawang pangkat ng wika, at lubusang nakakakilala ng lahat ng detalye na may kinalaman sa pamamaraan at kinagagawian ng sinasalin pagdating sa wikang ginagamit: kasama rito ang paggamit ng wika sa lipunang ginagalawan sa akda, mga uso, mga kasaysayan, mga kawing sa ibang panahon.

3.      “Pangatlo – may henyo at lubos ang kaalaman, kailangan ng tagapagsalin ng kaloob ng panggagaya, at dapat na makaarte siya sa salin nang katulad na katulad ng awtor sa sinasalin, dahil pipilitin niyang gayahin nang lubos ang mga pananalita, paggalaw, pagdiskarte at pag-iisip ng manunulat.

Malayang salin mula sa akda ni Nabokov na“The Art of Translation“, 1941

 

DALAWANG KASIYAHAN O KALIGAYAHAN SA PAGSASALIN

1.      “Ang kasiyahan ng pagsusulat – Sa pagsasalin bumubuo ka ng mga sugnay at pangungusap na nakakasiya sa iyo, sa abot ng makakaya nito, sa maraming panahon. Matutuwa ka sa pakikinig sa tunog, ritmo, imahe, retorika, at anyo ng mga talata, tono, boses. At ang mahalagang kaibhan, nararanasan mo ang kasiyahang ito sa isla ng isang teksto, sa loob ng nasasakupan nito. Hindi ka nabubuwisit o nag-aalala sa pag-iimbento, sa pagtatalagang makalikha ng akda, isang puwede rin namang magtagumpay bilang aklat sa huli, ngunit maaari din, at malamang na mabigo, at hindi mo mahuhulaan kung alin sa dalawang ito ang mangyayari.

2.      “Ang kasiyahan ng paglutas sa isang palaisipan – sa pagsasalin, ay may nilulutas kang problema. Maaaring ang problema ay salita, isang masalimuot at mapanghamon na suliranin na kailangan ang puspusang pagkatha bilang solusyon. Gayunman, gaano man kakumplikado ng suliranin, natutuwa ka pa ring lutasin ito dahil para lamang itong isang laro – tulad ng scrabble, crossword, o paghahanap ng code.”

–Lydia Davis[1], saEleven Pleasures of Translating2016


[1] Sinalin ni Lydia Davis sa English ang Madame Bovary ni Gustave Flaubert

ANG ALAGAD NG SINING NA ITO

Kung ang tagapagsalin ay ituturing nating “lingkod” ng wikang pinagmumulan (source text), at may atas na magsalin sa pinakamalapit na katumbas hanggang maaari, kung gayon ay pagtatakwil ang kahit na anong paghiwalay sa orihinal na syntax o istruktura, ito man ay bunga ng egotismo, kawalan ng kakayahan, o panglalait sa kultura.

`Kung halimbawa namang ituturing natin na ang tagapagsalin ay ‘alagad ng sining’ na nakikipagbalikatan, (sa halip na naglilingkod) sa may akda ng orihinal, kung iisipin natin ang pagsasalin bilang isang dinamikong proseso, isang paraan ng pagbabasa na makapagpapalinaw sa orihinal at magbabahagi ng lakas at enerhiya nito sa bagong konteksto, kung gayon, ang  gawain ng pagsasalin ng akdang pampanitikan sa ibang wika at kultura ay mas magiging makabuluhan. Magbibigay ito ng bagong pagtingin sa teksto, at sa pamamagitan ng tekstong iyon, ng bagong pagtingin sa bagong mundo. 

Sa pinakamagandang pagkakataon, maaaring lumutang ang isang bagong-bagong akdang pampanitikan, na siyempre ay nakadepende pa rin sa orihinal at kasabay nito ay malaya rin doon—ibig sabihin, akda na hindi bulag na nakasunod lamang sa orihinal, o nakikipagkumpetensya roon, sa halip ay nagdaragdag ng bagay na halaga rin ng orihinal kung susumahin ang pagtingin doon nang may bagong pagtanaw bunga ng malikhaing pagsasalin.

At sa wakas ay may ibinibigay ang salin na bagong pag-unawa sa ibang mundo na dala ng ibang wika. Hindi ibig sabihin nito ay magiging malaya at sunod-sunuran lamang sa naisin sa pagsasalin ng orihinal, kundi ang ibig sabihin ay  may lubos na pagbibigay-galang sa orihinal sa pamamagitan ng pag-aalay ng buong kakayahan sa paglikha upang mahusay na maipaabot ang orihinal sa ibang wika.” –Polizzotti[1]L’art de la traduction” 2018


[1] Mark Polizzotti, Nagsalin sa English ng mga akda nina Gustave Flaubert, Marguerite Duras at André Breton