Tagalog Daily: One Day at a Time features one Filipino poem a day.
BANGO
Nalalanghap ko ang malayang putik
Nang samyuhin ko ang mga rosas
Labindalawang-bango.
Ikalabing-apat ng Pebrero
Hinandugan ako ng irog
Una ay ng palalong pangako.
Ikalawang araw ay di maipaliwanag
Walang puknat na pagngiti
Animo'y sampaga sa kanal.
Panaginip ay hinog na sampalok, nahulog
Kayumangging balat, nabasag, ang tamis
Ang sarap ng pangatlong araw na samyo.
Nalulong kaagad sa mga rosas
Nilango ng tubig, may halimuyak
Ng gamot sa lagnat. Ika-apat
Na araw ay biniyak ng dama-de-noche
Pasintabi sa rosas, nakatutusing
Ang halimuyak ng ikalimang tangkay
Salamisim tuloy ay anim na langhap
milon, sinturis, papaya
tsiko, kaimito, mangga.
Ikapito ang hangin sa saradong silid
Nakakulong na pawis ng dahong nadudurog,
nanlulumong tangkay. Tumalon sa plorera
Ang ikawalong samyo, nakipaglaro sa usok
Amoy-araw ang talulot. At ang ikasiyam
Alimuon ng bagong umaga.
Saplot na hinubad nang dapit-hapon
Ang Ikasampu, ala-ala ng pamumukadkad
Sa halik ng paru-paro.
Ang ikalabing-isa ay nagmaliw
Hinigop ng burak ang kamandag
Hinalay ang tinik sa nakapiit na tubig.
Sa putik, ipararaya ang ikalabindalawa.
Palalayain ang kathang-isip ng matabang lupa
Ng mga bubuyog, ng araw, ng ulan.
Interested in getting comments about your poetry? Visit some of our featured poetry at english-to-tagalog.