Tagalog na Tagalog

Unang Pagtula

"Kapalaran" ang titulo ng una kong tula . Harinawa kakong magustuhan ni ma'am dahil maganda naman ang tunog. Aba , inilathala nga sa school organ namin nung high school. Iyon ang una kong alon sa dibdib. Daig pa ang dilubyo ng pag-ibig - masayang masaya at ang tahip ay abot-langit. Gusto ko sanang maging pintor noon, ngunit nabighani ako ng mga salita - di ko namalayang ako pala'y nanunuyo - at noon, ang musa'y para ko lamang kalaro.

     Inisip kong baka sakali ngang sumikat din ako, tulad ni Balagtas, na ang Florante at Laura'y bigla kong hinarap. Di kawasa'y naging paborito ko ang Pilipino. Nakalimutan kong hindi ako magandang atleta, o campus crush, o di kaya'y belonging to the cream of the crop. Basta makata ako.

     Ngunit kahit kailan, hindi ko inisip na maging manunulat. Pagkagradweyt sa high school ay hinanap ko nang hinanap ang talagang gusto ko: magpipinta ba o mag-aanawnser sa radyo? Magtuturo ba o magbibilang ng piso? Kaya sabi ng inay ko, mag-AB na lang daw, para may matapos. 

Windang sa Kurso

Sa Kolehiyo, isang anunsyo ang batubalaning humila sa akin. Bugso ng damdamin at di na nag-isip, noong ding araw na yon ay umiksamin ako bilang sagot sa tanong na ito: "Gusto mo bang maging bahagi ng “[pangalan ng pahayagan ng kolehiyo]?”"

     Nakipagbuno ako sa mga magagaling humabi ng kuwento't opinyon. "Sa isang iglap ay kinailangang bakbakin ko ang mga ala-ala at sa tabon ay nagtayo ako ng watawat ng pagkatuto..." Ganoon ang aking pagkasulat tungkol sa aking kamusmusan. Na ang ibig lamang namang sabihin ay maraming naituro sa akin ang kahirapan. Siyempre hindi ako nakapasa bilang patnugot ng pahayagang iyon. Isang linggo ang nakalipas, sa listahan ng pangalan sa pisara sa bukana ng paaralan-nakita ko ang aking pangalan - nasa dulo ng mga pinili, parang isinabit ng nagdalawang-isip.

     Masaya na rin ako. Bagamat di ko pa rin inisip na maging manunulat. Habang nangangalap ng istorya't parabula sa loob ng campus, hinanap ko nang hinanap ang talagang gusto. Sa iskul ba o sa bangko? At sabi ko'y bakit di na lang pangarapin pareho? Kaya't biglang naging dalawa ang aking kurso - Liberal Arts at Komersyo. Malay mo? Kahera sa araw, titser sa gabi, para mabilis yumaman ikako. Ang kaso, namulaklak ang transcript ko dahil sa accounting. Nakulapulan ng mga tuyong talulot na nagkumot sa ibang kakayanan - katulad ng Ingles at Panitikan. Nasayang lamang ang aking matrikula. Sa galit ay nagbasa ako nang nagbasa.  

Naglayag

Si Ernest Hemingway ang una kong idolo. Tapos ay si Ludlum, si Ayn Rand, si Thomas Hardy, at sangkatutak na Agatha Christie -- kung anong mahiram. Noon ay di ako kailanman bumili ng libro, maliban sa isang teksbuk na hanggang ngayon ay lagi kong dala - American Literature nina Fernando, Habana at Cinco. Tuwang-tuwa akong tumatakas noon sa mga bilang at sauluhin. Natangay ako ng mga kuwento, sumama sa mga lalaki at babaeng naglalakbay sa iba't ibang disyerto at kabundukan. Pagkatapos kong mabasa ang "We the Living" ni Ayn Rand ay napahagulhol ako. Si Kira Arguonova ay malakas at matapang na babae. Isa lamang ang kanyang layunin. Ang makatawid sa kabilang bansa, upang makawala sa kadena ng pasismo. Nang abot kamay na ang balakin, kinitil ng bala ang kanyang pangarap. Mulang pagkabasa nito'y naghari sa akin ang lungkot, at ilog na umapaw ang luha ng kanyang buhay sa aking kinalalagyan noon. Gusto ko ring makarating ngunit saan? At kung naro'n na'y anong naghihintay?

Away sa Puso ng Manunulat

At muli'y hinanap ko nang hinanap ang talagang gusto - noon ang sikmura ay kumakalam - sa ibang bansa ba o dito?

     Ang unang kumatok na trabaho'y praktikal. Magbenta ng gamot. Doon ay dapat na maganda ka lang magdala ng damit, malimit ngumiti, marunong kumamay, may kaunting yabang. Mayroon kang kotse at hindi kailanman maaring ikulong sa loob ng relo.

     Sa nakakahilong pakikipagsayaw sa maharot na tugtog ng aking propesyon, pilit kong inuulinig ang palagi at mahinang boses ng di pagsang-ayon. Ayaw kong magpaganda lang, kumamay sa doktor, maghabol ng kota . Gusto kong manahimik. Sa aking mga panaginip noon ay nakikita ang sariling nakabulagta sa yelo. Malamig at walang pintig. Si Kira Arguonovang di na makalaban. At sa 'king paggising ay di namamalayang walang pakialam. Lutang sa sariling paghahanap - ano bang talaga? Balagtasan o Sarsuwela? Tula o Nobela?

     Sa kabaliwan ko'y iniwanan ang luho ng karera. Mula noon ay di na naghari ang sikmura. Wala nang nasasakupan ang pagyaman. Umuwi ako sa probinsya. Nagbagong-bihis, hindi na para gumara lamang kundi upang maging tunay.

     Sabi ng prinsipal sa highschool na aking pinagturuan sa probinsya, magaling raw ako. Ang totoo'y nakaaway n'ya lang ang aking pinalitan kaya ako napasok. Sa ikaapat na palapag ng iskul, kapag abala sa pagkopya ang aking eskuwela ng speech ni Abraham Lincoln, namimintana ako. Sa loob ng silid-aralan ay mga bagong umuusbong na panaginip. Sa kabila ay sementeryo.

Anong Gagawin Ko Sa Mundo

Ilan pang araw meron ako sa mundo? At sa kahuli-hulihang panahon, nagawa ko na kaya ang gusto kong gawin? Magtuturo ba o magsusulat? Ngunit ano naman ang aking sasabihin sa papel?

     Isang araw ay lumuhod ako at nagsumamo. Sana , sabi ko kay Cristo, ay bigyan ako ng pagkakataong matuto. Kahit tungkol saan. Nang sa gayon ay meron akong maisulat. Ayon sa dalanging ito, binuksan ko ang diwa sa plano ng Dakilang Lumikha.

     Gumugulong noon ang aking diwa patungong Maynila. Wala pang piso mula sa EDSA, ganoon ang sabi sa akin ng isang kaibigan tungkol sa distansya mula sa aking gusto hanggang sa katuparan nito. At sa isang opisina sa may kanto ng Boni at Pinatubo, sinabi ko sa manager, “Gusto kong mag-aplay.” Tanong niya, “Anong aaplayan mo?” Sagot ko, “Kahit na anong puwede sa akin.” Hindi siya impressed at lalong wala siyang balak na ako’y hirangin. Pero iba ang plano ng tadhana. Isang tanong, “Anong binabasa mo ngayon?” Sagot ko, “How to Win Over Worry,” na kumpletong pahayag ng kalagayan ng aking paglalakbay noon.

     Umiba ang ihip ng hangin.  Sa aking kaloob-looban, dinig ko, lahat ng pabor ay sasaakin. Umuwi raw ako sa probinsya at kuhanin ang aking mga sinulat. Sa bus, may naglibre sa akin pauwi. Pabalik nong ding araw na ‘yon muli’y libre ako sa bus, dahil sa isang kaibigan. Ito’y mga taong di naman palaging bumibiyahe. At sa aking palagay, sila’y nakasakay sa bus bilang mga anghel. Kinalingguhan, may nagbigay sa akin ng isandaan, hindi sinabi ang pangalan, basta sabi lamang, “sundin mo ang iyong pangarap.” Hindi ko hinanap ang aking trabaho,  wala akong alam na ‘yon ang aking kailangan.

Ang Kalooban ng Hangin

Nang sa kahuli-hulihan ay nasa likod na ako ng aking editor’s desk, inisip kong para akong hinipan ng hangin papaupo doon. Wala akong kahirap-hirap, di ako gradweyt ng isang ekslusibong paaralan katulad ng aking mga kasabay nag-apply. Wala rin akong alam sa pagiging patnugot. Ang alam ko, pag pangit ang sinulat, itapon, pag maganda, ipablis. Ganoon lang sa pahayagan ng paaralan, at matagal na ‘yon. Ngunit sa loob ng aking mga unang taon, naintindihan kong ang pagsusulat ay pagdadambana ng ideya. At anumang idinadambana ay sinasamba. At anumang sinasamba ay nagtatatag o nagwawasak. At anumang sulatin ay di lamang pagpapahayag kundi pagsagot sa maraming tanong. 

     Nalaman kong ang pagsusulat ay pananalangin. Hindi lamang paglalambitin sa pananampalataya kundi pagkapako roon. Sa loob ng maraming taon, napatunayan ko, hindi ako manunulat lamang, kundi Cristiano rin. At kung sa mambabasa’y di ko ito maipararating,  alinman sa aking sulatin ay liliparin  lamang ng hangin.


Mga Salitang Hinakot sa Akda

Harinawa, Alon sa dibdib, Bugso ng damdamin, Batubalani, Isang iglap, Nagdadalawang-isip, Ikako, Nagbagong-bihis, Namimintana, Liliparin ng hangin

Anong mga salitang ginamit sa akda ang bago sa iyong pandinig o bihira mong magamit?

Tagalog na Tagalog

Please enter the word that you see below.