Isang Pagbasa ng Pasyon: Pagsipat sa Kabayanihang Hindi Binabasa

Tungkol Sa Bayani Ayon kay Dr. Isagani Cruz, mula sa mga epiko ng Pilipinas ay makakahinuha ng mga katangiang arketipikal na pang-bayani (ibig sabihin, alam man ng mga nagtatanghal ng bayani o hindi, ito’y nasa kanilang kamalayan). Una – ang bayani raw ay karaniwang nagmumula sa isang pamilyang mataas ang katayuan sa lipunan. Pangalawa, may taglay siyang isang katangi-tanging lakas o karunungan sapul pa noong siya’y nasa sinapupunan pa lamang. Pangatlo, makakaharap niya sa buhay ang mga di inaasahang kontrabida at pangyayari – karaniwang imposible o makapigil-hininga – na magbibigay sa kanya ng kasanayan sa pakikipaglaban. Pang-apat, siya’y itatanghal ng bayan o itatalaga ng mga diyosa ng kalangitan bilang tagapagtanggol ng lahi. Pang-lima, pagkakalooban siya ng isang mahiwagang sandata o karunungan. Pang-anim, makikipaglaban siya at mananalo, bagamat sa huli’y magagapi rin ng kaaway. Pampito, siya’y mamamatay ngunit muling mabubuhay matapos makipagtipan sa mga diyosang magbibigay sa kanya ng bagong kapangyarihan. Pangwalo, ang kanyang muling pagkabuhay ay hudyat ng tagumpay, mula roon ay magiging mapayapa at sagana ang bayan sa  mahabang panahon.

Kung ganito nga ang mga arketipikal na kamalayan tungkol sa mga itinatanghal na bayani, silipin natin kung may patlang na baka kailangang punan ng bagong talakay upang maging bahagi rin ng pangkalahatang kamalayan. Dalawang usapin ang nasa likod ng pagbasang ito -- una, na may butas sa arketipikong talakay o pagmomodelo ng bayani sa mga salaysay o kuwento. Pangalawa, ang pangkalahatang kamalayan ay mahuhubog gamit ang isang bagong pamantayan.

Si Cristo ng Pasyon, si Handiong, at ang Kanilang Kalaban Sa paghamon sa arketipikal na paglikha ng bayani base sa mga epiko, na umano’y nasa likod ng pangkalahatang kamalayan na silbing kuwadro ng pagtalakay tungkol sa bayani, ay gamitin natin ang “Pasyon” isang kuwentong matagal na rin namang naging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas.

Binabanggit ni Resil Mojares, sa kanyang sanaysay na “Time, Memory and Birth of A Nation,” ang pag-aaral na ginawa ni Reynaldo Ileto sa mga balangkas ng rebolusyong nangyari sa Pilipinas gamit ang Pasyon. Pinagbasihan ni G. Ileto ang mga pasyon na mga bersyon ng mga lokal na mamamayan (folk narratives). (Mojares 271-272) Isang kaisipan mula sa sanaysay ni Mojares na may kaugnayan sa gustong ipahatid ng sulating ito: “It is the paradigm of Christ’s passion and death that informs the folk’s participation in the Revolution and shapes their memory of the event.... 

Anino Lamang ng Kaaway Pare-pareho ang layunin ng pakikipaglaban –ibalik ang anumang ninakaw o itaboy ang nagbabantang panganib. Sa Epikong Handiong, ang kaaway ay may pangalan, (gayundin sa lahat ng mga kuwento ng tunay na buhay). Sa pasyon, ang kawawang sina Judas at Poncio Pilato ay hayag at arketipikong isinisiwalat na mga kontrabida. Mahal na mahal ni Judas ang bayan, ngunit alam niyang walang balak si Jesus na maging pinuno ng pag-aaklas o rebolusyon laban sa Roma; kaya’t ano ang silbi ng pagsunod sa kanya? Ang akala ni Judas ay nawalan siya ng bayani, ang totoo, arketipikal ang kanyang pagbasa sa papel ng bayani. Kung humulagpos lamang sana siya sa 'tipo' at iminulat ang mata sa bago, ay nakita sana niya ang tunay na kalaban. Hindi ang Roma kundi ang sarili niyang budhi. Kahit tatlong taon niyang kasama si Jesus at siya pa nga ang ingat yaman ay nagkamali pa rin siya ng basa. Palaging kaakibat ng pangalan ni Judas ang katrayduran. Ngunit sino ang nagsuri ng kanyang motibasyon? Siya man ay naghahanap rin ng bayani.

Hinarap at tinanong ni Poncio Pilato ang sa palagay niya’y siyang tunay na marangal. Subalit hiningi ng bayan si Barabbas na akala nila ay bayani ng kanilang bayan dahil kabilang siya sa mga hinuli at ipiniit. Kasama siya sa mga dumaraming boses na nag-aaklas laban sa Roma. Samantala, nang tanungin si Jesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio”? Hindi siya sumagot, wala siyang sagot. Sa mga nauna niyang pahayag ay sinabi niya, ang “Kaharian ko ay wala sa daigdig na ito”  at minsan na niyang sinabi, “Ibigay kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos”. Ang kanyang digma ay hindi sa mapang-aping gobyerno ng Roma kundi laban sa kasamaan ng budhi na nagbunsod ng mga pang-aapi ng Roma. Ito ang hindi nakikitang kaaway.

Kilala ni Jesus kung sino ang kanyang kaaway. Kilala rin ng bayani ng Handiong ang kanyang kaaway. Gayunman, ang bunga lamang at hindi ang ugat ng katiwalian ang kikitlin ni Handiong, samantalang puputulin ni Jesus ang pandaraya ng kasalanan. 

Mga Maskara ng Katotohanan Bakit kulang ang ating mga hangarin para sa ating mga bayani? Ang una at pinakamalaking dahilan ay ang kawalan ng pagmamahal sa bayan. Ang isa pa at mabilis na makikitang dahilan ay ang pag-iisip ng karamihan na hanggang kumakain at hindi naman sinasaktan ang sinuman sa kanilang pamilya ay wala silang pakialam kung nasa kapitbahay lamang ang mga sukib at imbing kontrabida. Maaaring hindi kailangan ang bayani sa mga pagkakataong kailangang sumigaw laban sa mga kasamaan sa ating paligid kahit tila hindi naman tayo apektado nito. Ngunit sa ating kaduwagan, malamang ay nag-iisip tayo ng maaaring itapat sa kalaban upang mawala na ang kanyang paghahari. Sa mga pagkakataong ganito, kailangang itaas ang mga inaasahan sa bayani. Hindi lamang mabuting kapitbahay kundi may malasakit, may pagkaalam sa kasaysayan ng kapaligiran, may kongkretong istratehiya, may kahandaan sa paggamit ng anumang sandata. Kung naduduwag tayo sino ang ating tatawagin?

Wala sa Ating Kamalayan Kung Ano ang Tunay na Bayani Napakahaba na ng nobela ng paghahanap ng bayani ng mga Pilipino para sa Pilipinas. Nakakainip dahil hindi matapus-tapos ang pagpapakilala sa mga suliranin at mga tauhan ngunit hanggang ngayon ay wala pang bida. Sa arko ng kasaysayan, nakakalat ang mga pagkatalo at tagumpay sa mga puta-putakting laban noon at ngayon, isang walang katapusang serye ng pakikidgma ng bayan. Alam na rin ang puno’t dulo ng kahirapan, ngunit wala pa ang katapat. Panaginip lamang hanggang sa ngayon ang bayaning inaasam:

Eksena – ang ating bayani: Sasalubungin niya ang mala-buhawing daluyong ng kalaban – walang takot na sisisirin ang mga higanteng alon upang makarating sa pusod ng maitim na karagatan. Layunin niyang itatarak ang taglay na mahiwagang kris sa kailaliman. Walang takot ang kanyang pagsugod, halos kanyang ikamatay, dahil ang sandata ng kalaban ay isang pagka-itim itim na tintang sanhi ng lubos na kadiliman. Kakapit ito sa katawan, gagawing kakulay ang madadagtaan hanggang maging bahagi ng kawalan. Napakasangsang ng amoy ng tintang ito – nakakasulasok, nakakapugot ng hininga. Gayunma’y hindi tatablan ang ating bayani sapagkat kukulungin siya ng mala-bolang liwanag na ibubuga ng kris na sandata. Inihahayag ng liwanag nito ang mga itinatago ng dilim, makikita niyang lubusan ang mga sanhi ng pagdadalamhati sa ibabaw ng lupa at iluluwal niya mula sa mahiwagang sisidlan ang alak na hindi nauubos. Hahalo ito sa malagkit na likido, magpapalinaw sa kanyang dadaanan hanggang marating niya ang bunganga na sumusuka ng itim na tinta. Hahayaan niyang hangkabin siya nito, hanggang dalhin siya ng liwanag sa bitukang buhol-buhol at isa isa niya itong tatagain hanggang magkalasug-lasog. 

Sa ating panaginip, magtatagumpay ang bayani sa kanyang pakikidigma. Samantala sa gising na gising na katotohanan ang bayaning ito ay hindi pa iniluluwal ng kasaysayan. Harinawang naririyan lamang siya - naghahasa ng sandata – nag-iipon ng karunungan sa pagbasa sa mga pahimaton ng panahon. Nawa’y magmula sa kanyang kaibuturan, at hindi sa anupaman, ang pagnanasa niyang maging tunay na pinuno ng mga tagapagtanggol ng bayan.